…na sobrang Torpe ako dati.

Share

NAALALA KO LANG, may crush ako noong highschool na sobrang hindi ko makausap at malapitan.

Una ko siyang nakita sa flag ceremony noong first year kami. Tapos mula noon ay pinagpatanong ko ang kanyang pangalan. Hindi ako mismo ang nagtanong ng pangalan niya, kundi isang kaibigan. Mali pa nga ang dinig ko ng pangalan niya sa kaibigan kong ito e.

May minsan namang sisilay ako sa kaniya kapag dumadaan ako sa classroom nila. May minsan namang nakasabay ko pa siya sa tricycle, pero hindi ko man lang siya kinausap. May minsan pang halos magkasabay kaming naglalakad, pero kunyari’y hindi ko naman siya nakita. May minsan pang halos sinundan ko siya sa pag-uwi, sa kagustuhang lapitan at kausapin at samahan sa kaniyang bahay, pero hindi ko nagawa.

Kapag kaarawan niya ay pinabibigay ko nalang ang regalo ko sa mutual friend naming dalawa. Kapag namang minsan ay tinatawagan ko siya sa bahay (na ipinatanong ko lang rin ang telephone number) at makikipag-usap lang ng sandali.

Noong JS naman, hindi ko naman siya inayang sumayaw. Yung picture niya na kinuha ko ay stolen pa. At sa huli, nung graduation ay nagpakuha lang ako ng picture niya sa isang kaibigan. Tanong pa sakin ni Chriselda noon, “gusto mo bang kasama ka niya sa picture?” at ang sabi ko ay hindi nalang.

Hindi ako nagsisisi na hindi ko siya nalapitan at nakilala ng mabuti noon. Natatawa na lang ako pag naaalala ko ito. Tadhana na talaga siguro na hindi kami nagkakilala ng mabuti. Dahil sa mga pangyayari at sa mga hindi pangyayari ay nakilala ko naman si Heidi. Tadhana rin nga ang aming pagtatagpo. Pero ibang kwento na ito.

Share

Leave a Comment